Nakaupo ako noon sa lobby kung tawagin namin, sa ground floor ng main building ng sintang paaralan. Nagpunta ako doon para pumila at kumuha ng passes ticket ko at ng nanay at tatay ko para sa nalalapit kong pagmamartsa sa World Trade Center, Yes! gagraduate na talaga ko. Sure na sure to! Pero dahil ugali naming magkakaibigan ang maghintayan, nag-stay muna ako, dun nga sa south wing lobby, kasi mahirap pumila ng mag-isa e, nakakaboring dahil wala kang kakwentuhan. Na-upo muna ako sa gitna ng maraming tao na may iba’t-ibang agenda sa eskwelahan habang humihigop ako ng di ko sure kung malinis na melon shake na nabili ko kay kuya na andumi ng kamay at walang hair net at kung ano-anong hinahawakan at yung yelong gamit nya e naka expose madla sa north canteen. Hayaan mo na, mahalaga siguro e malamigan yung lalamunan ko. Hoo ang sarap ng mura’t maduming shake! Teka, medyo tumatagal ang paghihintay ko sa mga kaibigan ko, ng biglang may lumapit sa akin, isang nanay na may kasamang anak at may hawak na Xray result. “Ne, saan ba yung clinic dito?” Nakakatuwa kasi graduating na ko pero muka parin akong Nene pala, Thankyou ate! “Dito po, liko po kayo dyan, sa dulo po” ayun umalis na sila ‘di man lang nag thankyou. Ok lang, tinawag naman akong Nene. Pagkatapos magtanong nila ate sa akin, andaming nang pumasok sa isip ko. Mga ala-ala na hindi ko na mababalikan pa sa apat na taon na pamamalagi ko sa sintang paaralan. Kasabay pa nga ng pageemote ko, e, mga saliw ng tugtuging pang tibak, na may temang makabayan (as usual), nasa hardcore rally ang mga tibak ngayon sa school kasama ang mga nasipang janitors, kasi may mga bagong hire na, na janitor mukang mas maayos at mas malilinis, sa totoo lang medyo may kadugyutan kasi yung mga janitor nung nag-aaral pa ko, so feeling ko dapat na sila talagang paalisin kahit pa sabihing mga tenure na sila, ngayon nasa huli ang pag sisi nila, e kung inayos nila e di sana di sila patatalsikin, tapos ngayon pilit silang nagsusumiksik sa school kung kailan huli na ang lahat. Opinyon lang ha.
Balik. Nakakatuwang isipin, dati rati ako yung mukang tatanga tanga na nagtatanong kung saan yung ganito, ganyan. Pumipila ng mahaba dahil sa kagustuhang makahabol sa slot ng kursong gusto ko mapuntahan. Heto’t napakagulo sa skul, mga incoming freshman na may dala-dalang xray results, mga folder na nagkakapalan dahil sa requirements, pila sa cashier, pila sa clinic. At pag tingin ko sa kabilang banda, nakita ko naman yung mga graduating students na nagkukumahog na humabol sa huling mga araw ng pagbabayad ng grad fee, mga graduating students na nagtatawanan at abot tenga ang mga ngiting sinusukat ang mga togang itim kasama ng mga graduation cap na gagamitin nila. Wow. Isa ata ako sa kanila. ;)
Excited na ko grumaduate, excited na kasi akong suotin yung dress ko, excited na ko mag pamakeup, excited na ko sa mga graduation gifts na matatanggap ko, excited na ko sa family bonding after graduation, oo excited na rin ako mag karoon ng trabaho at sariling pera. Pero pag tumitingin ako sa paligid ng PUP at nakikinig sa mga tugtuging aktibista, hindi mo maaalis sakin ang pagkalungkot. Apat na taon. Apat na taon na pagod, pawis, puyat, tawanan, iyakan, kaba, dugo, gutom, uhaw, waldasan ng pera ang pinuhunan ko dito, sa PUP. Lahat, lahat, lahat-lahat ng mga bagay na nakikita ko, sigurado mamimiss ko.
Salamat PUP! Sa napakaraming bagay na natutunan ko sayo, sa pagbubukas ng mata ko sa totoong klase ng buhay, sa mga propesor na nagpakaba sa akin, sa mga tambayan na pinagamit mo sa akin sa madalas na wala kaming magawa, sa pagpapakilala sa mga totoong tao na tatanggapin ang tunay na ako, sa iba’t-ibang uri ng tao na dapat kong pakibagayan, sa mga masasarap at maduduming pagkain, sa mga nakakahiyang experiences, sa pagkandili sa akin sa apat na taon. Handa na ko! Handa na ko sa panibagong buhay. Handa na ko sa realidad ng buhay na kakaharapin ko. Salamat sa pamantasan na tumulong sakin para maging ako!
Maraming Salamat!